Dagat

Dagat


masarap pakinggan ang alon mong dumadating
wari’y isang taong nakatapos ng lakbayin,
sa pagsapit sa baybayin saka huminga ng malalim
at duo’y nagsabi ” natapos ko na rin! “

sa paglalakad sa tabi mo oh dagat
naiibsan ang hapdi ng aking mga sugat
pagkat nakikita ko ang lawak ng iyong pang-unawa
ang hanging humahagod sa kaluluwa kong nanghihina.

habang ako’y nag-hihintay
sa kaganapan ng aking buhay
sa piling mo ako’y panatag kahit na may lumbay
sana’y wag magsawang sa akin ay umalalay.

ang hangin, ang simoy, ang tunog mo oh dagat
bakit lagi kitang hinahanap at pinakahahangad?
marahil tinatangay mo ang aking mga luha
at ang hangin nama’y may dulot na ginhawa.

huwag kang magsawa oh maganda kong dagat
na ako’y samahan at lagi nawang damayan
ang Dakilang Maykapal ang sa iyo’y lumikha
upang maging takbuhan ng pusong nangungulila.

Leave a comment